ANG SINABI NG IBANG RELIHIYON
"Bakit may bayad sa Katoliko pag nagpapabinyag at nagpapakasal? Dahil ba para kumita ng pera ang simbahan? Hindi ba dapat libre?"
Pasensya ka na kung sasabihin kong HINDI BINABAYARAN ang binyag at kasal sa Iglesia Katolika. Totoong may ibinibigay na pera pero hindi ito bayad. Ito ay DONASYON para sa panggastos ng simbahan.
Wala namang ibang pagkukunan ng panggastos ang simbahan kundi mula sa DONASYON ng mga parokyano.
Hindi naman kasi ito tulad ng ibang grupo na tinotokahan ang mga miyembro ng 10 porsiyento ng kanilang kinikita.
Meron nga riyang mangangaral na hindi raw nagpapabayad pero panay naman ang hingi ng pera.
Kung gaano siya kalakas bumanat sa iba ay ganoon din siya kalakas kumulekta sa miyembro niya.
Nariyan ang tokahan niya ang mga ito ng tig-iisang libo. Nariyan din na magko-"concert" pero P20,000 ang isang tao.
Sasabay lang ng pagkain sa kanya ang miyembro ay P1,000 agad ang toka.
Ang pinakahuling raket niya ay inuutusan niya ang kanyang mga miyembro na magsanla ng mga ari-arian para maibigay sa kanya.
Sa Simbahang Katoliko walang pilitan. Oo madalas makiusap pero hindi kinukonsiyensiya at hindi bina-blackmail ang miyembro.
Magtanong kayo sa mga Katoliko kung tinotokahan sila kung magkano ang ilalagay nila sa basket o sa supot tuwing collection. Madalas ay piso o barya pa ang ibinibigay. Marami pa ang hindi nag-aabuloy.
Pero ‘yan kasi ang nasusulat sa 2 Corinthians 9:7,
"Ang bawat isa ay dapat magbigay ayon sa pasya ng kanyang puso hindi ang may pag-aalinlangan o pinipilit dahil mahal ng Diyos ang isang magiliw magbigay."
Kung may ibinibigay man ang nagpapabinyag, ito ay pakikibahagi lang sa gastos sa kuryente na nagpapa-ilaw ng simbahan o nagpapaikot ng elecric fan para maging kumportable kahit paano ang binyagan.
HINDI BAYAD ang ibinibigay dahil LIBRE ang binyag.
Kahit ang pagpapakasal ay LIBRE. Kung may pera mang ibinibigay ito ay para sa gastusin tulad ng sa ilaw, sa bulaklak, sa red carpet at iba pa.
Subukan ng kahit na sino na magpabinyag o magpakasal at hindi siya pipiliting magbigay ng pera kung wala siyang pera.
Sa madaling salita LIBRE at WALANG BAYAD ang sakramento. Humihingi lang ng tulong ang simbahan sa mga gastusin.
Ang problema, may mga tao na may panggastos para sa handa pero walang maiabuloy sa Iglesia.
Tama ba ‘yon?
Pero bakit may "presyo" sa ibang simbahan?
Ang "presyo" ay para maging "standard" ang donasyon. Ito ay para sa kaayusan at madaling "accounting."
Pero tulad nga ng sabi ko, kung walang pera ang isang tao at gusto niyang magpabinyag o magpakasal ay lumapit lang siya kahit kaninong pari at bibinyagan siya o ikakasal nang LIBRE.
Ang pagsasabi ng may bayad ang binyag o kasal ay maaaring bunga ng konting pang-unawa o ng tahasang paninira.
Huwag kayong maging biktima ng mga naninira. Inililigaw lang nila kayo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento